Friday, January 30, 2015

ANG PAGSUGO SA MGA ALAGAD NG PANGINOONG JESUS (LORD JESUS SENDING HIS DISCIPLES)


PURPOSE:
Upang maturuan ang Bawat Kristiano na sumunod sa utos ng Panginoong Jesus.

INTRODUCTION:

Sa unang pagtatagpo ng Panginoong Jesus at ng kanyang unang mga alagad, ang Panginoong Jesus ay tinawag si Simon Pedro at ang kanyang kapatid upang maging mamalakaya ng mga tao, sumunod si Juan at Santiago. (Mateo 4:18-21) Dito natin mauunawaan na ang pagdating ng Panginoong Jesus sa mundo ay hindi lang para magdala ng kaligtasan kundi turuan ang kanyang mga alagad na sumonod sa kanyang mga pinag- uutos. Ang bawat Kristiano ay hindi lang dapat siya na maligtas bagkus ipamuhay ang kanyang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga iniuutos ng Panginoon.
Ngayon marami ang nagsasabing Kristiano pero naipapamuhay ba nila ang tunay na kahulogan ng kaligtasan? Sila ba ay sumusunod sa mga pinag-uutos ng Panginoong Jesus? 

TEXT: MATEO 28:16-20

“16 Datapuwa't nagsiparoon ang labingisang alagad sa Galilea, sa bundok na sa kanila'y itinuro ni Jesus. 17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan. 18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. 19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: 20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”

BAKIT SINUGO NG PANGINOONG JESUS ANG KANYANG MGA ALAGAD?

  • SAPAGKAT SIYA AY MAY KAPANGAYARIHAN SA LAHAT NG NILIKHA
  •  UPANG SUNDIN ANG UTOS NG PANGINOONG JESUS
  •  UPANG MARANASAN NG MGA  ALAGAD ANG KANYANG GABAY

SAPAGKAT SIYA AY MAY KAPANGAYARIHAN SA LAHAT NG NILIKHA
18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. – Mateo. 28:18

Apatnapung araw makalipas na ang Panginoong Jesus ay nabuhay mula sa mga patay, ang Panginoong Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagkatipon sa isang bundok na sinabi ng Panginoon. Ang mga alagad ay sumamba ngunit ang ilan ay nag-alinlangan.
Ang Panginoon ay nagpahayag sa mga alagad ng kanyang kapamahalaan sa lahat ng nilikha. 

18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. – Matt. 28:18

Ito ay ginawa niya upang tanggalin ang pag-aalinlangan ng mga taong nag-aalinlangan sa kanyang pagkabuhay na muli at sa kanyang kapangayarihan. Ngunit itong kanyang pagpapahayag ay nagbibigay ng kalakasan sa mga alagad na patuloy na nanampalataya sa kanya.

Ang kanyang kapamahalaan sa lahat ng nilikha ay nagpapatunay na siya ay higit sa propeta, siya ay higit sa sugo, siya ay higit sa mga anghel sapagkat siya ay kaisa-isang Anak ng Diyos (Begotten Son) at siya ay Diyos. Ang kanyang kapamahalaan sa langit at sa lupa ay tanging sa kanya lamang ipinagkaloob ng Dios Ama, sapagkat siya ay Anak ng Diyos at siya ay Diyos (Juan 1:1,14, 18).

UPANG SUNDIN ANG UTOS NG PANGINOONG JESUS

19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: 20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.” – Mateo 28:19-20

Tinawag ng Panginoong Jesus ang kanyang mga unang alagad hindi lang para maligtas, kundi maging kanyang tagasunod sa lahat ng kanyang mga pinag-uutos. (Mateo 4:18-21). 

Ano nga ba ang mga pinag-uutos ng Panginoong Jesus?

  •  Humayo at Gumawa ng mga Alagad sa Lahat ng Bansa
  • Ang mga Alagad ay Dapat Mabautismohan
  •  Ang mga Alagad ay Dapat Maturuan
Humayo at Gumawa ng mga Alagad sa Lahat ng Bansa

Ang Panginoong Jesus ay nag-utos sa kanyang mga alagad na maghayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Ninanais ng Panginoong Jesus na ang bawat alagad ay maging kabahagi sa Gawain ng Diyos, sa pamamagitan ng paghayo upang makagawa ng mga alagad ni Kristo. Ito ay nangangahulogan na ang bawat Kristianong Totoo ay magkaroon ng pag-iisip na magmalasakit sa mga taong wala pang pagkakilala sa Panginoon, at sila ay magkaroon ng pusong masunurin sa mga pinag-uutos ni Kristo.

Ang utos na ito ay salungat sa mga pag-iisip na ang pagiging Kristiano ay maipapamuhay lamang sa apat na solok ng bahay sambahan, sapagkat ang ninanais ng Panginoong Jesu-Kristo ay maipamuhay natin ang ating pagiging Kristiano sa pamamagitan ng pagsunod ng kanyang pinag-uutos kaya nga dapat tayo ay maghayo.

Ang nais ng Panginoon ay maging alagad ang lahat ng bansa, ngunit kumusta ba ang ating pagiging Kristiano? May nasimulan naba tayo sa utos na ito? Kung wala pa, bakit? Kung hindi ngayon kalian pa?

Ang mga Alagad ay Dapat Mabautismohan

“…na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:” – Mateo 28:19

Kung ating sasaliksikin ang Banal na Kasulatan at sa mga ginawa ng mga unang alagad, masasabing Kristiano ang isang tao simula sa kanyang pagpabautismo, hindi ng kanyang pagtanggap ng mabuting balita. (Gawa 16:33, Gawa 2:41).
Nais po nating linawin ito, ang bautismo ay hindi makapagliligatas, sapagkat tanging Panginoong Jesus lamang ang makapagliligtas, ngunit kung totoong nanampalataya kay Kristo ang isang tao ay dapat niyang simulan ang pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng bautismo, sapagkat ito ang makikita natin sa Banal na Kasulatan.

Ang pagpapabautismo, ay paglubog at hindi wisik-wisik, (mula sa salitang greyigo na “baptizó” na ibig sabihin ilubog,) ( lit: I dip, sink, submerge, but specifically of ceremonial dipping; I baptize.). 

“…sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:” – Mateo 28:19

Nais ituro ng Panginoong Jesus ang katotohanan tungkol sa tatlong persona (TRINIDA), ang AMA, ANAK at ESPIRITU SANTO, sila ay  magkakapantay, walng nakahihigit at walang mababa “equal”, at nagkakaisa “united as one” bilang IISANG DIYOS.

Ang mga Alagad ay Dapat Maturuan

Ang layunin ng Panginoong Jesus sa pagtuturo sa kanya ng mga alagad ay upang maging masunurin sa lahat ng kanyang pinag-uutos. Nais niya na maituro ang Mabuting Balita upang ang sinomang makarinig nito ay manampalataya sa kanya at maligtas.

Maging ang Panginoong Jesus ay nagturo at nangaral sa mga tao at sa kanyang mga alagad. (Marcos 4). Sa ating gawain tayo ay may pag-aaral ng Salita ng Diyos, at sa ating mga Bible Studies tayo ay nag-aaral ng Mabuting Balita. Ang mga ginawa nating ito ay pagtupad lamang sa kanyang mga utos na magturo ng Mabuting Balita. 

Ang ating Panginoong Jesus ay naging ating halimabawa sa pagtuturo sa kanyang mga alagad, dapat lang na ang bawat Kristiano o alagad ni Kristo ay magkaroon ng pagtatalaga at pagpapopriotize sa pagturo at pag-aral ng Mabuting Balita.

UPANG MARANASAN NG MGA ALAGAD ANG KANYANG GABAY

“…at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.” – Mateo 28:19-20

Ang bawat Kristiano ay ngnanais na maranasan ang gabay at kapangyarihan ng Panginoong Jesus, paano nga ba natin ito mararanasan? Nais ng Panginoong Jesus na ang kanyang mga alagad ay dapat maging masunurin sa kanayng mga pinag-uutos sapagkat siya mismo ay nangako, na sa ating pagsunod sa kanyang mga utos siya ay gagabay at ang kanyang kapangyarihan ay ating mararanasan, sapagkat siya ay kasama natin.

Ang kanyang kapangyarihan at gabay ay naroroon sa bawat Kristiano na nais sumunod sa kanya.

CONCLUSION:

Hindi lang tayo tinawag upang maligtas, tayo ay tinawag upang maging masunurin sa kanyang mga pinag-uutos.

Tayo ba ay mga alagad ni Kristo? Kung tayo ay alagad ni Kristo dapat tayo ay humahayo upang gumawa ng alagad ng Panginoong Jesus.

No comments:

Post a Comment