Friday, January 30, 2015

“Heridera Y Heridero, Señorita Y Señorito”


PURPOSE:
Turuan ang mga taga pakinig na ang bawat Kristiano ay anak ng Diyos.


INTRODUCTION:

Kung malalaman mo kaya na ikaw ay isang tagapagmana ng isang ari-arian o kaya’y tagapagmana ng isang kaharian, ano kaya ang magiging reaksiyon mo?
At kung totoong tagapagmana ka, ano ang gagawin mo?  Sino ba sa atin ngayon ang nais yumaman? Nais magkaroon ng maayos na tahanan, o kaya’y gustong makapagbakasyon sa isang napakagandang lugar.

Di nyo ba alam na kayo bilang Kristiano ay tagapagmana ng Kaharian ng Diyos? Tagapagmana ng langit? Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga taga – Roma, tingnan po natin at basahin.

TEXT: Roma 8:14-17

14Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.

15Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo’y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo’y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo’y tumatawag sa kanya ng “Ama, Ama Ko!”

16Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos.

17At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo’y kasama niya sa pagtitiis, tayo’y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian. ”

Sino-Sino nga ba ang mga anak ng Diyos?

  • Sila ay ang mga pinapatnubayan ng Espiritu Santo (V. 14-16)
  • Sila ay tagapagmana at kasamang tagapagmana ni Kristo (V. 16-17)
  • Sila ay pinapatnubayan ng TATLONG PERSONA (TRINITY)



Sila ay ang mga pinapatnubayan ng Espiritu Santo (V. 14-16)

Ang mga taong tumanggap at nanampalataya sa Panginoong Jesus ay ang tunay na anak ng Diyos (Sila din ang tunay na Kristiano) (Juan 1:12-13). Ito ay dakilang gawa at kalooban ng Diyos, hindi kagagawan ng tao.

14Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.

15Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinagggap upang kayo’y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo’y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo’y tumatawag sa kanya ng “Ama, Ama Ko!” “



Ang mga anak ng Diyos ay pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos, at ang Espiritu ng pagkukop ay siyang tinanggap ng totoong Kristiano, hindi ang espiritu ng pagkaalipin. Marahil marami ang inaalipin pa rin ng sari-saring espiritu, ngunit dapat na ating matanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop, sapagkat ito ang magdadala sa atin sa Ama.

“…ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo’y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo’y tumatawag sa kanya ng “Ama, Ama Ko!” “


Sa pamamagitan ng Espiritu tayo ay malayang makakalapit sa Ama, makakalambing sa Ama, “Aba Father”.

Ang espiritu ng pagkaalipin ay salungat sa Espiritu ng pagkupkop, sapagkat sa oras na tanggapin natin ang Espiritu ng pagkupkop tayo ay maykalayaan na rin sa mga espiritung maaring umalipin sa atin. Ang mga espiritung ito ay ang mga sumusunod; bisyo, kahirapan, takot, pagkainggit at iba pang mga espiritu na maaring magimpluwensya sa ating upang mapalayo sa pagiging anak ng Diyos.

Paano nga ba masisiguro ng isang Kristiano na siya ay anak ng Diyos?

“16Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos.”

Ang Espiritu na ating tinaggap ay siyang magpapatotoo na tayo ay anak ng Diyos, at ang ating espiritu ay makakauwa na tayo ay totoong anak ng Diyos. Maaring ang mundo, ang kapaligiran at ang ating emosyon ay magdududa tungkol sa ating pagiging anak, pero ang Espiritu ng Diyos ay siyang magpapaunawa sa atin na tayo’y anak ng Diyos.



Sila ay tagapagmana at kasamang tagapagmana ni Kristo (V. 16-17)

“16Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos.

17At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo’y kasama niya sa pagtitiis, tayo’y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian. ”


Ito ay isang magandang balita sa mga taong tumanggap at nanampalataya kay Kristo, sapagkat sila ay tagapagmana ng Diyos. Maaring ang iba ay magdududa, pero ang Espiritu ng Diyos ay siyang mangungusap sa ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.

Ang bawat anak ng Diyos ay kasamang tagapagmana ni Kristo, ngunit kung si Kristo ay nagtiis ng maraming hirap dito sa mundo, tayo din ay hindi makakaiwas sa mga kahirapan na darating, dapat na ang bawat Kristiano ay maging handa sa mga hirap at pagtitiis na maaring harapin ng bawat Kristiano.

Tayo ay nakalaan na magmana ng langit at kaharian ng Diyos, ngunit habang tayo ay nasa mundong ito, tulad ni Kristo tayo ay haharap sa mga pagtitiis, pag-uusig, pagtatakwil (rejection) at iba pang kahirapan. Nararapat lamang na tayo ay handa sa mga paghihirap na ito, at pagdating ng takdang panahon tayo ay magiging tagapagma ng Langit at Kaharian ng Diyos.


Sila ay pinapatnubayan ng TATLONG PERSONA (TRINITY)

Hayag ang patnubay at gawain ng TATLONG PERSONA (AMA, ANAK, at ESPIRITU SANTO) sa bawat anak ng Diyos. Ang Ama ay siyang kukopkop sa bawat Kristiano (Roma 8:14-15).

Ang Panginoong Jesus ay siyang nagbigay ng pagkakataon sa bawat tao na maging anak ng Diyos, sa pamamagitan ng pagtanggap at pananampalataya sa kanya (Juan 1:12).

Ang Espiritu Santo ay siyang magpapaunawa sa espiritu ng bawat Kristiano na siya ay anak ng Diyos at tagapagmana hindi na alipin (Roma 8:14-17).

CONCLUSION:

Habang tayo ay nasa mundong ito tayo ay hindi exempted sa mga pagtitiis, sapagkat kung ang Panginoon Jesus ay humarap sa sari-saring pagtitiis, tayo ay makakaranas din ng ganun. Ngunit kung tayo ay kasama niya sa kanyang pagtitiis, siya din ay makakasama natin sa kanyang kaluwalhatian.

Ang bawat tumanggap at nanampalataya kay Kristo ay mga anak ng Diyos, ang Espiritu Santo ay siyang laging magpapaunawa sa espiritu ng mananampalataya na siya ay anak ng Diyos. Tayo ay hindi na alipin, tayo ay mga tagapagmana na! may kalayaan tayong tumawag at maglambing sa ating Ama na nasa langit.








No comments:

Post a Comment